Once in a while,
Right in the middle of an ordinary life,
Love gives us a fairy tale.
- Anonymous
Dati lang kala-kalaro ko siya tuwing hapon. Dati lang, siya ang kasabunutan ko sa mga away. Dati lang, siya ang tanungan ko ng assignment. Ang bilis nga naman ng panahon. Ngayon, kasal na siya at bubuo na ng sarili niyang pamilya, ng sarili nilang kaharian.
Di ko mapigilang medyo maluha habang naglalakad si Ate patungong altar. Ang ganda pala talagang eksena iyon. Punung-puno ng di maipaliwanag na kasiyahan at ningning. Parang sa utak ko, nag-flashback yung ilang panahong naging saksi ako ng kanilang love story.
Nakakatuwang isipin na bawat isa sa atin ay may sariling love story, may sariling happily ever after. Nakakatuwang isipin na ang isang dating di kakilala ay iyon palang magiging kasama pang-habang buhay.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang koleksyon ko ng aking mga 'bridesmaid dress.' Hindi ko alam kung ilan pa ang bibilangin bago ito'y maging puti. Hindi ko alam kung hanggang kailan maghihintay sa isang taong handa akong samahan sa aking pagtanda hanggang sa sumakit na ang aming mga binti. Ni hindi ko nga alam kung talagang darating iyong panahon na tatahakin ko rin ang landas ng altar. Pero gaya ng lagi kong sinasabi, bahala na!





No comments:
Post a Comment