Wednesday, May 04, 2011

Bungkagin ang Damikay

Hindi ko alam kung bakit gising pa ako at nakaharap nanaman sa aking laptop sa mga oras na dapat ako'y mahimbing nang natutulog, bilang alas-syete ng umaga nanaman ang pasok bukas. Pero hindi, kailangan kong isulat at magdugtung-dugtong ng mga salita  bago pa man sila mawala sa aking napakakitid na alaala.

Nakakatawa lang isipin na nagsusulat nanaman ako ng mga random na mga bagay-bagay at mga pangyayari sa buhay ko na malay natin ay mailagay sa history someday kung sakaling maging sikat akong *insert something here*. Pag nangyari iyon, ang mga sulating ito ay siguradong magiging mala-ginto na ituturing na kayaman ng mga historyador. Tipong priceless. Ayos, ano? May kwenta man o walang kwenta, may magbasa man o walang pumansin, matawa ka man o mainis, tila ba'y unti-unti nang nagiging bahagi ng aking buhay ang pagsusulat kung may maisip na maisulat o maikwento.

Salita. These days, namamangha talaga ko sa mga napakaraming salita na nakukuha ko sa mga klase ko ngayong intense init summer. Kahit pa sabihing Pilipino ako at feeling na-master na ang wikang kinalakhan, napag-isip-isip ko na maraming mga salita pa ang hindi ko alam kung ano ba ang ibig sabihin. O kung sa kaso naman na may ipasalin na salita ay hirap na hirap pa rin akong mag-isip ng counterparts nito. Sa dinami-dami ng mga tula at kwentong ipinapabasa sa mga PanPil classes ay kung anu-ano na ring mga bagong salita ang aking napulot. Karamihan medyo 'sensual' nga lang o pag hindi naman eh mga bagong urban terms na. 

Vocabulary #1: PanPil 19

regla- panuntunan; patakaran
talipandas- imoral; walang hiya
kulasisi- kabit
eskabeche- kabit din
bukadura- magaling magsalita a.k.a. madulas ang dila
pelegis- wrinkles

Vocabulary #2: PanPil 17

parikala- irony
sinususugan- sinusuportahan
pang-uuyam- mocking

Marami pang ibang mga salita pero bilang may censorship naman ng kaunti ang blog kong ito ay mas pipiliin ko na lamang huwag nang ilagay pa. Napaka-creative ng mga Pilipino sa pagbuo ng mga salita. Yung 'eskabeche' ay nagmula daw sa 'esKABITse' kaya ganoon ang ibig sabihin. Ang salitang 'jologs' eh hindi mo aakalain na galing naman sa fusion ng DIlis+tuYO+itLOG na karaniwang na-aassociate natin sa pagkain ng masang Pilipino.

Hindi lang sa mga Filipino classes ko nae-expand ang aking vocabulary at thesaurus. Pati sa Math ay nakapulot rin ako ng mga bagong salita na bagong-bago nga naman sa pandinig.

Vocabulary #3: Math 100

bungkagin- factor
damikay- polynomial
Woah! Astig only. Saan naman napulot ang mga translations na iyan? Akala ko ang tagalog lang ng factor eh 'paktor' at ng polynomial naman eh 'polinomyal' na sinamahan ng isang distinct Tagalog accent. Nakakabaliw siguro kung tagalog ang Math, ano? Tipong makakakita ka ng ganito sa exam:

Panuto. Bungkagin ang damikay ng bonggang bongga. 

In English...

Directions. Factor the polynomial completely.

Nosebleed lang. Marahil nakakatawa para sa atin na may ganito pala. Pero nakakabagabag din sa isang banda na tila ba ay marami pa tayong hindi alam na parang dapat ata ay alam natin. O baka naman masyadong malalim at impraktikal na kaya isinasantabi na lamang.

Sabi ko nga, hirap din talaga ako mag-translate. Marami rin kasing mga salitang wala namang direct meaning sa Ingles man o sa Tagalog. Tulad na lang ulit kaninang Math, pinapasalin sa Tagalog ang salitang 'absolute.' Naiintindihan ko siya pero kapag ipinasalin na, parang kay hirap maghanap ng perfect Tagalog word. Ayun, nasabi ko tuloy 'hindi natitinag.' Tapos, tumawa sila.

Salita. Nakakatuwang isipin na parang nakasanayan na lang natin sila o dahil sa araw-araw natin ginagamit eh napaka-normal na lang sa atin ng mga ito. Pero naisip ko lang, makapangyarihan ang mga salita. Pwede itong magpasaya, magpalungkot, magpagalit, mang-inspire, o kaya'y makasakit ng damdamin. Para itong hammer ni Thor na pwedeng bumuo ng magagandang relasyon o pwede rin naman sumira ng matatamis na samahan.

Sa isang banda, nakakalungkot din isipin na minsan ay nawawalan na ng halaga ang mga salita. Marami dito ay hindi na talaga nasasabi o kaya naman ay bumaba na in terms of value and true meaning. Pilit itinatago ang mga ito sa kaibuturan ng ating mga damdamin na minsan ang 'pananahimik' ay kaylangan na rin ata ng translator. Pero hindi naman masama ang kaunting silence kung minsan. Sabi nga ng isang kaibigan ay may mga bagay lang talaga na mahirap sabihin o ilabas. Na tila ba'y kapag lumabas na sa bibig ay parang ginawa nang konkreto o totoo at hindi na pwedeng bawiin. Mahirap nga naman bawiin ang nasabi na. Hindi ito tulad ng sugat na maaaring lapatan ng first aid tapos okey na after a few days. Di hamak na mas matagal itong maghilom at kadalasan ay mas masakit pa sa pisikal na karamdaman. Bawat sinasabi ay DAPAT may kaakibat na 'pinag-iisipan' factor.

Hindi naman din laging ganito. Marami pa ring mga tao na gumagamit ng mga salita para magpasaya at magbigay ng tunay na kahulugan at kabuluhan sa mga ito. Simpleng mga pagbati na kahit two-liner lang eh nakakaganda na ng araw. Yung thought na may nakaalala sa'yo at hindi ka pala nag-iisa. Ang pagsasalita siguro ay hindi simpleng pagpapahayag ng damdamin at saloobin. Baka naman, ang mas mahalaga, eh isa itong reminder na hindi tayo nag-iisa sa mundong ito, na merong mga taong handang makinig sa ating sasabihin at handa rin naman magsabi ng gusto nilang sabihin. Two-way, ika nga. Unless, medyo may maluwag na turnilyo lang.

*RANDOM PHOTO*

Wala talagang kinalaman sa sinulat ko pero natuwa lang talaga ako. Humps sa overpass. Coolness only.

Siguro, kaylangan din ng tao ang 'Slow Down.' 


No comments:

Post a Comment