Friday, April 29, 2011

Good Times

Good times. Madalas kong naririnig yan sa prof ko sa Pan Pil 17 pagkatapos ng isang malupit na 'blast from the past' story na i-eend niya gamit ang linyang 'Ah, good times!' with matching hagod pa.

Ah, good times. Parang ang saya, parang enjoy, parang ang sarap balikan nung eksaktong tagpo na yun. Good times yung mga memories na ang sarap isipin at alalahanin, na masarap ulitin.

This week, ang overwhelming ng good times moments ko na tipong kelangan ko ng supply ng papel na pupunitin. Siguro, epekto na rin ng not-so-bagong mundo na ginagalawan ko. Naalala ko sabi ni Bo Sanchez, 'Happiness is a choice. You and I have everything that we need for happiness. Happiness isn't out there but something deep within us. We choose to be happy. We choose to make our lives great." Wow.

Ang daming nangyari ngayong linggo, ang daming bago at yung iba, hindi na masyadong bago pero same feeling of good times pa rin.

Lunes. First day ko ulit sa boarding house. Una, sobrang natatakot ako dahil mag-isa lang ako na lilipat at wala na ang mga high school friends na dating kasa-kasama sa bahay na ito. Hello sa bagong roommates na marami ay ngayon ko lang makikilala at makikita. Pero masaya ako ngayon na dito ako muling tumira. Bukod sa parang tunay na kamag-anak ang turing sakin nina Tito at Tita sa boarding house, may bonus pang cute na cute na baby sa bahay plus, nakilala ko pa ang mga dating strangers sa buhay ko na ngayon ay mga kaibigan na, kakwentuhan, kachismisan, katawanan, at ka-fan girl-an. Bawat gabi tuloy ngayon sa boarding house ay punung puno ng masisiglang ingay na tumatagos mula sa silid na kulay asul ang pinto. Ah, good times.

Martes. Lunch sa Choc Kiss. Minsan lang ako kumain dito dahil medyo hindi student friendly ang kanilang presyo. Pero yung value naman eh masasabi kong sakto na rin sa mga pagkain nila. Kasama ko si Ystal na naging lunch buddy ko na ngayong summer. Dahil kailangan namin sumaya, nag-Choc Kiss kami kung saan maraming cake. Maraming masasarap na cake. At more than marami at masasarap na cake, ay ang kwentuhan about life. Kwentong pag-ibig. Realizations, insights, mga sa tingin ay dapat gawin at isipin. Mga bagay na hindi masabi sa taong dapat pagsabihan, na hindi na siguro masasabi kailanman. Ah, good times.

Miyerkules. Maginhawa. Dinner date kasama ang mga dating blockmates na ngayon ay nagsilipatan na rin sa ibang mga kolehiyo. BA, BAA, pero meron pa rin naman na hindi umalis sa AIT. Kung may masasabi akong isa sa mga paborito kong kalye, siguro Maginhawa st. ito. Iba yung pakiramdam sa lugar na ito. Parang ang 'comfy' at 'homey' lang. Hindi ka mapapagod balik-balikan. Bonus pa dahil maraming magaganda, masasarap, at kayang-kaya sa budget na mga kainan. Pinasigla pa ito ng mga kaibigang kakwentuhan over dinner, tawanan over inside jokes, mga latest sa buhay ng bawat isa, mga alaalang patuloy na inaalala pa rin, at pangkukutya sa isang batang nag-sisit in sa isang klase kung saan hindi naman siya enrolled. Ah, good times.



Huwebes. Jogging. Sa wakas, nakapag-jogging din. Matagal ko nang sinasabi ngunit ngayon ko lang nagawa. At isang Huwebes ng gabi, tumayo ako mula sa aking kama at nagpasyang 'this is the day!' Naka-3 1/2 ikot naman ako sa academic oval habang nakikinig sa radyo at tumitingala sa langit upang silipin ang mga bituin na natatakpan ng mga sanga at dahon ng malalaking puno ng Acacia. Ah, good times.

Bigla ko lang na-realize kung ano talaga ang nagbibigay good times sa aking buhay. Hindi ito pagkain, hindi ito lugar, hindi ito panahon. Anong silbi ng masarap na pagkain o magandang lugar kung hindi ko naman kasama ang mga taong gusto kong makasama. Tao. Pamilya. Kaibigan. Sila, sila ata talaga ang nagbibigay ng 'tatak good times.' Ang mga kwentuhan, kalokohan at tawanan na kaakibat nito ang siyang nagsisilbing magagandang mga alaala. Kahit gaano pa kasimple ang  pagkain, lugar, o mga bagay-bagay, sila ang nagpapasigla at nagpapaningning sa ating mga pangungulila at kalungkutan. Sila ang nagbibigay sentimental value sa sangkatutak na resibo, movie tickets, ticket sa bus, ticket sa play, sulat, tissue, fliers, at kung anu-ano pa na pilit nating itinatago sa ating mga wallet o sa isang espesyal na kahon.

Siguro isa sa kinatatakutan ko, o marahil ng marami ay ang maging 'forgotten.' Na makalimutan o tuluyang kalimutan ng mga taong minsan naging malaking bahagi ng ating mga buhay. Mga taong nakasama natin sa maraming good times moments. Pero ang totoo, mahirap makalimot. Pero kasabay niyan, tila mas mahirap ata iparamdam na hindi mo sila nakakalimutan o na hinding-hindi mo sila makakalimutan.

Ah, good times. 

No comments:

Post a Comment