Sunday, March 25, 2012

The Hunger Games

Kahapon ay pinalad akong nailibre ng sine upang manood ng Hunger Games na forever trending sa Twitter nitong mga nakaraang araw. Inaamin kong isa ito marahil sa poser at nakikiuso moments ko bilang hindi ko naman talaga nabasa ang libro. Ni hindi ko nga alam na may ganoon pala. Pero dahil maganda naman ang response ng mga tao ay nakinood na rin ako. 
May takot ako sa panonood ng pelikulang base sa libro, lalo pa ito'y may pagka-futuristic na may kaunting sci-fi. Baka kasi may hindi ako ma-gets na bahagi na ma-gegets lamang kapag nabasa iyong libro. Naalala ko dati, walang may gustong tumabi sa akin sa isang Harry Potter movie. Tradisyon naming magkakaibigan ang panoorin ito nang sabay-sabay. Hindi ko kasi nabasa yung kumpletong series kaya naman kapag movie na eh madalas may tanong ako parati sa aking maswerteng makakatabi. Halos lahat kasi sila ay nabasa iyon, ako lang ata ang hindi nagtiyaga. 
Yung Hunger Games akala ko isang simpleng pelikula lamang tungkol sa isang palaro kung saan magpapatayan hanggang sa may isang manalo. Ngunit habang nanonood, napagtanto ko ang pagkakahawig nito sa ilang mga issues ng kasalukuyang mundong ginagalawan. Sa likod ng aking isipan ay tumakbo ang ilang mga talinghaga na gustong ipakita ng pelikula. Reality show.
Reality at show. Dalawang nagtatalong mga salita. Reality ay may katotohanan, natural, kung ano ang nakikita. Show ay gustong ipakita, entertaining, madalas ay 'tailored' o 'scripted.' Di nalalayo ang kwento ng pelikula sa mga relity shows na nakikita at napapanood natin ngayon. Madalas ay napepeke, dinadaan sa acting, pakulo, at charm. Nariyan ang pressure na maging distinct, dapat may impact para matandaan. Kung hindi kagwapuhan o kagandahan, dapat may nakakaiyak o nakakalungkot na istorya. Yung tipong wasak na wasak na yung buhay mo pero narito ka at may pag-asa pa rin. Kapag wala ng mga nabanggit eh huwag nang umasang mananalo, sigurado mapapalayas ka agad kahit sa bahay ni kuya. Hindi naman ito masama pero nakakalungkot lang na ginagamit ito para sa ratings, advertisments, at sponsorships. 

Minsan napapaisip ako kung pati ang pagpapakatotoo ay totoo pa sa sense ng reality TV. Naalala ko isang beses na nanonood ako ng PBB tapos gumawa ng paraan si Kuya upang ilabas ang totoong ugali ng mga housemates sa pamamagitan ng pag-hire ng mga aapi sa kanila sa bukid. Eh kung pati ito fabricated, gaano tayo nakasisiguro na ang totoo ay totoo pa rin?

May parte sa pelikula na nasabi ng kasintahan ng bidang babae na kung wala naman daw manonood ay malamang ay hindi na ipagpapatuloy ang mala-palabas na Hunger Games. Tama naman siya. Kung walang tatangkilik, bakit pa pag-aaksayahan ng panahon?

Maswerte lamang ang bidang babae na nalaman niya kung paano laruin ang masalimuot na palaro. Pero para sa akin, mas maswerte siyang may gwapong boyfriend pa rin siyang nabalikan pagkatapos ng lahat ng ito.

 
 

No comments:

Post a Comment