Matagal ko nang gustong magsulat tungkol sa driving history ko. Naalala ko nang biglang naging topic namin kanina ng isang kaibigan. Tapos naalala ko na nahuli nga pala ako ilang oras lang ang nakakalipas at 2 inches away from being hit pa.
---------------------
Bata pa lang ako, sinabi ko na balang araw, magda-drive ako. Kahit saan, kahit kailan. Siguro impluwensya ni Daddy. Marami kasi sa childhood memories ko, siya yung kasama ko, nagda-drive. Sa lahat ng kaylangan kong puntahan, sa lahat ng lakad ng pamilya, andiyan siya at walang pagod at sawang nagda-drive. Naaalala ko pa yung mga panahong iuupo ako sa harap ng manubela kapag nakapasok na kami ng subdivision. Tipong feel na feel ko pa na kunwari ako talaga yung nagliliko at nagpapaandar ng sasakyan.
Bukod sa bump cars, ang una ko talagang hawak ng tunay na sasakyan ay noong early years ng high school life ko. Gamit ko pa noon yung dati naming sasakyan na automatic. Parang bump cars lang kaya naging madali ang learning process. Sa unang tapak ko sa gasolina nagsimula ang lahat. Natatandaan ko pa yung ngiti ko nang sa marahang tapak na iyon ay umusad ang kotse. Kasabay ng pag-usad na iyon ay ang simula rin ng paglunsad ng konsepto ko ng 'independence.'
Sa unang tapak na iyon nagsanga-sanga ang marami pang munting experience ko sa pagda-drive. Ginamit ko yug kaunting kaalaman na iyon sa mga maliliit na bagay tulad ng pagbili ng meryenda o kaya'y kapag inihahatid ko ang aking mga kaibigan sa sakayan.
Eventually (mga unang taon ko sa kolehiyo), ibinenta yung automatic na sasakyan at nagpasya si Daddy na magbalik manual. Mahirap daw kasi masira yung automatic. Hindi pwedeng itulak kapag tumirik at mahirap ipagawa. Isa pa, nahihirapan daw siya sa akyatan, kapag matarik na ang daanan.
I'm doomed! Hindi ako marunong ng manual!
Dahil 'persistent' ako, kinulit ko si Daddy na turuan ako. Siguro tama nga na kapag medyo bata pa ay hayok sa mga ganoong bagay. Parang ang tingin ko noon ay ang cool mag-drive. Yung dahilan pa kaya gusto ko eh dahil yung pinsan ko na kaedad ko rin ay may lisensya na at pinagda-drive na kapag kasama yung Tito ko. Ewan ko ba. Gusto ko lahat ng nagagawa niya, kaya ko rin gawin. Nung natuto siyang sumipol, nag-aral ako sumipol. Nung natuto siya mag-bike, nagpractice ako mag-bike kahit nagdulot iyon ng peklat. Syempre, hindi exception ang driving. Yun lang, may gender discrimination bilang lalaki naman daw kasi yun.
Sinukuan ako ni Daddy sa mini lessons namin sa mga bakanteng kalye ng neighborhood. At nanghihinayang pa siya na ipa-testing sakin yung bagong sasakyan. Baka daw masira ko lang agad. So ayun, inenrol na lang ako sa A1. Noong una ayoko pa dun dahil gusto ko ng 'rebellious driver image.' Para kasing napaka-law abiding magturo sa ganun. Tama nga naman kung tutuusin pero dahil Pilipinas to, pakiramdam ko, maaapi ako kapag ganoon ako magmaneho. Aminin man natin o hindi, pa-'gaguhan' ang madalas pinapairal sa mga kalsada. Inip na inip pa ko noong paulit ulit yung BLOWFATCH (brake, l?, oil,...ayoko na, di ko na matandaan!) na yun. Motto ata ng A1. Mga bagay na dapat i-check bago sumakay sa sasakyan at magsimulang magmaneho. Nag-survive naman ako sa 10 hours training ko. At nakapagpatakbo nga naman ako ng manual. Noong first day nga, feel na feel ko pa dahil after 30 minutes nasa busy streets na kami.
Matapos ang lahat ng iyon, nag-apply na ko ng aking beloved license. Naalala ko pa na hindi pa ko maihi-ihi nun para sa drug test. Tapos yung written exam, nasa room kayo na kung saan nakapost yung mga signs sa dingding. Pag may nakalimutan ka, hanapin mo na lang doon. Wala na ring driving test. Tinanong lang ako kung gusto ko isama yung motor sa scope nung lisensya. Syempre, um-oo ako. Pero ang totoo, hindi naman ako marunong mag-motor. May ganito pa ngang Q&A portion:
Taga-LTO: Anong unang gagawin bago sumakay sa motor?
Ako: Ipasok yung susi?
Ang tanga lang nung sagot ko. Isuot pala dapat yung helmet. Oo nga naman, safety first. Buti na lang hindi ako binagsak sa test.
Nakuha ko naman yung lisensya. So ang tanong, pwede na ba ko mag-drive? Syempre the obvious answer 'Hindi.' Props lang yan, feeling mo naman. Mga ilang taon din bago ako nakapag-isa. Nakakapag-drive lang ako kapag kasama si Daddy. Hindi ko maalala kung kailan ako unang pinakawalan. Pero gradual process din yun. Una, hanggang SM Sucat lang. Tapos naging hanggang Alabang tapos MOA tapos school tapos Manila tapos Makati tapos QC. Nung thesis days, pinayagan naman ako hanggang Los BaƱos.
Minsan, binilhan ako ng kotse, si Pinky. Napagod ata si Daddy kakahatid sakin o kaya kakapasundo ko. Nung una, excited pa ko hanggang sa di nagtagal, nagpapahatid na ulit ako. Nakakapagod kasi. Nakakatamad. Gabi na ko nakakauwi dahil hanggang 7 yung class ko. Tapos sa sobrang pagod, nakakatulog ako kapag naka stop sa stoplights at madalas tinatamad magmaneho sa umaga. Ayon, binenta na lang niya ulit. Pero napakinabangan ko naman ng bongga si Pinky. Kadamay ko siya sa galaan. Dun ko sinasakay ang mga kaibigan ko sa mga yayaan. Sa kanya ko rin unang na-experience makabangga, sa SM Manila pa yun. Parking lot.
Parte rin ng pagda-drive ang huli. Tatlong beses na kong nahuhuli pero hindi naman humahantong sa pagkakuha ng lisensya ko. Nung una, pinakausap ko kay Daddy, yung pangalawa, inaway ko. Alam ko naman kasi na hindi ako yung mali kaya matapang akong makipagtalastasan. Yung pangatlo, kanina lang. Violation ko daw, nasagasaan ko yung bakal sa kalsada. Yun yung mga bakal na pang divide ng lanes. Yung nakakairita dahil maingay pag nadaanan mo. Ayun, mali daw yun parang swerving daw. Ni hindi nga traffic violation ang swerving. Gusto pa kong kotongan kaya mas nainis ako. Buti na lang naisip niyang wala siyang makukuha sakin at ni-release rin niya ko.
Marami akong kinaiinisan sa kalsada. Mga taong tawid nang tawid kung saan-saan, bigla-biglaan pa. Mga motor na appear, disappear. Mga jeep na ang tagal tagal umusad. Mga bus na naghahari-harian sa kalsada, mga truck na nakikipagsabayan, at syempre mga nakaka-highblood na driver. Totoo pala na matututo kang magmura. Pero ako siguro ang pinakawalang karapatan magreklamo. Tumatawid din ako kung saan saan at madalas kapag ako lang sa kotse, ay isa rin akong lokong driver. Naiinis din naman siguro sila sakin sa pagpapalipat lipat ko ng lane without prior notice, sa panggigitgit ko, sa continuous busina, at di pagiging mapagbigay sa daan.
Bakit kasi lahat impatient at ayaw magbigay? Bakit ba lahat nagmamadali? Pare-pareho naman natin sigurong ayaw ng traffic pero ang totoo, motorista rin ang nagdudulot nito. Halos lahat naman ng traffic, walang kakwenta-kwenta ang dahilan. Mga taong ayaw lang magbigayan at magparaya, ayaw malamangan. Siguro ang kalsada ay parang kaharian. Bawat isa, pwedeng maging hari. Sabi nga nila, suggestions lang naman ang mga batas natin dito. Pwedeng sundin o hindi. Maraming tao ang may gusto ng pagbabago pero tila wala naman may gustong magbago. O madalas, iniisip na baluktot naman ang sistema at wala na tayong magagawa diyan. Ayoko man aminin, guilty ako sa salang ito.
Madalas man ay mas gusto ko nang maging pasahero ngayon, eh nae-enjoy ko pa rin naman mag-drive. Feeling ko kasi yun yung pagkakataon na malaya ako. Na sa ilang mga sandali, ako ang magdedesisyon. Tipong saan pupunta, saan dadaan, at pati stopovers. Ito yung isa sa rare events na feeling ko may bahid ako ng independence. Gusto ko rin yung thought na sa ilang sandaling nasa kalsada ako, nagkakaroon ako ng pagkakataong mag-isip-isip habang nakikinig at sumasabay sa mga kantang pinapatugtog sa paborito kong istasyon sa radyo.
Pero in the end, ang gusto ko lang naman pala talaga ay ang matuto mag-drive, hindi yung marunong lang. Oo, magkaiba kasi yun.
No comments:
Post a Comment