Sunday, September 18, 2011

Kwentong Pansit Canton

Hindi naman talaga ko mahilig sa pansit canton sa tunay na buhay. Maalat yung original, sobrang anghang naman nung extra chili, at nasobrahan sa asim yung kalamansi. Nakakaumay, lalo na kung mag-isa mo itong kinakain. Tapos, wala pang tinapay. Aray!

Pero ang maganda sa pansit canton, sumasarap ito kapag may kasalo, kapag may kaagaw. Isang punong plato sa di mabilang na tinidor ratio ang nagpapasaya sa simpleng meryendang ito. 

Iba talaga pag may kasama, kapag alam mong hindi ka nag-iisa. Iba yung may kakwentuhan, yung may nakikinig sa'yo at may pinapakinggan. Iba yung naririnig, nakikita, at nahahawakan kaysa sa nababasa at naiisip lamang. 

Gaano man pinadali ng cellphone, computer, at internet ang buhay natin, hindi mawawala sa akin isip ang panahon ng dati. Noong uso ang landline, handwritten na sulat, at tila ba'y simple ang lahat. 

Pansit canton. Nakakatuwang isipin na dahil dito ay may mga bagong kakwentuhan, bagong katambayan. bagong katalastasan ng mga insights, at bagong mga 'clinjeeng' (clingy-ng) kaibigan. Bagong mga alaala. Bagong good times. Sarap! 




Thursday, August 11, 2011

Lipad!


Danao plunge. Ito marahil ang isa sa best 5 minutes sa buhay ko. Yung pakiramdam na parang lumilipad ka sa kawalan. Ang ganda ng tanawin, ang sarap ng hangin. Kung pwede lang ulit-ulitin kaya lang 700 din. 

Sa wakas, may nagawa muli sa bucket list. Umuusad din pala. Yey! 

Hulyo

Hulyo ang mixed emotions month ko. 

Magkahalong excitement at takot sa bawat pagpasok ng buwan sa bawat taong nagdaraan. Excited bilang nalalapit muli ang isa nanamang kaarawan sa buhay ko. Isang araw na hindi magkamayaw ang pagbati ng ever loyal magulang, mga kamag-anak at yaya na nag-alaga sa akin sanggol pa lang ako. Isang araw na marahil naaalala ng ilang mga kaibigang nakasama at nakilala sa iba't ibang pagkakataon. Pero sa likod ng excitement, nariyan ang takot. Takot na sa araw na ito, may +1 nanaman sa edad. Minsan, hindi ko alam kung karapat-dapat na ko sa isa nanamang +1 bilang pakiramdam ko'y wala pa naman talaga akong nagagawang kagila-gilalas sa aking buhay. Yung pakiramdan na habang lahat ay tila umuusad ay narito ako na nakatayo sa isang lugar...hindi gumagalaw, hindi nagbabago, napag-iiwanan, ang dami pang hindi nalalaman. 

Ngayong taon ay tinatawag kong 'debut' year. Bente uno na ako. Pwede nang pumasok sa casino, malamang pwede na rin makulong, pwede nang magtrabaho kung nanaisin. 

Normal naman ang usual ika-7 ng Hulyo ko. Nagising sa bati ng mga kasama sa bahay, ilang text mula sa mga kaibigan, isang tawag habang nasa simbahan, isang surpresang bisita ng isa pa uling kaibigan. Ngunit bakit tila habang tumatanda, mas nagiging normal ang araw na ito para sa akin? Buti na lamang at nariyan pa rin ang mga tradisyon na patuloy na nagpapaalala sa akin na ito ang araw ko. Salamat sa aking mga magulang at mga kaibigang naging karamay sa munting pagdiriwang na ito.









-------------
Pero minsan hindi ko maiwasang maisip na siguro, may mga bagay na tila kahit anong hintay ay hindi naman talaga darating. Mga salitang mananatiling nakasulat sa aking isipan na pawang titik ang nilalaman. Tama siya, mahirap maging matandain minsan. O marahil isa lang pala itong panaginip. Panaginip na magsisilbing nasa diwa lamang, kathang isip na hindi kailanma'y magiging parte ng realidad.

Hay, Hulyo.