Step 1. Disconnect
"Kailangan mag-disconnect para ma-reconnect ulit."
Sa panahon ngayon, halos lahat ng tao connected. Pinadali at pinabilis ng teknolohiya ang communication lines ng bawat tao sa mundo. Kahit kapamilya sa malayo, naaabot ng Facebook, Twitter, at Skype. Nakakatuwang isipin na napapaglapit ng teknolohiya ang pusong magkakalayo. Ngunit may mga pagkakataon na hindi natin napapansin na nagiging alipin na pala tayo ng teknolohiya. Tulad na lamang ng simpleng kaarawan ng isang kaibigan na madalas ay maaalala lamang dahil sinabi ng Facebook. O tulad ng mga dapat gawin na madalas ay makakalimutan kung hindi ipo-post sa groups ng inyong klase.
Hindi ako galit sa teknolohiya, masaya ako na nariyan sila at accessible. Kung hindi dahil sa internet, baka wala rin akong sinusulat ngayon. Pero marami rin akong bagay na makaluma na gustung-gustong balikan. Naaalala ko ang mga kwentong love letter ng mga magulang ko. Mga sulatan na buwan bago mabasa at mahawakan. Mga linyang pinaggugulan ng panahon bago ilapat sa papel. Mga panahon na kapag na-miss mo ang isang tao ay pupuntahan mo na lamang dahil mas gusto mo siyang makita, mahawakan, at makasama. Sabi nga, bago maging automatic ay dapat manual muna. Manual person ako. Kung sa pagmamaneho, mas madaling kontrolin at timplahin, mas tumatagal, mas madaling ayusin, pwedeng itulak kung masiraan man at pwedeng ilusong sa baha. Mas nakakapagod pero mas worth it.
Disconnect. Disconnect para hanapin ang sarili. Disconnect para mag-grow at mag-mature. Disconnect para mas maging handa. Nabasa ko sa isang article dati na para mahanap mo ang iyong sarili, kung sino ka talaga, at kung anong mga kakayahan mo ay kailangan mong mapag-isa. Mapag-isa in the sense na mag-travel alone, walang cellphone, walang internet, pure instincts lang. Wala kang ibang aasahan kung hindi sarili mo at mga taong makikilala mo along the way. Tunog adventure!
Kasalukuyan akong nasa step 1 ngayon. Hindi ko pa rin lubusang maintindihan at matanggap ang mga pangyayari nitong mga nakaraang linggo ngunit ngayon ay sinusubukan ko na lamang muna hanapin at kilalanin ang sarili kong mukhang naligaw. Balik manual ulit. Hindi ko alam kung gaano katagal. Hindi ko alam kung kailan magiging okay. Pero ang alam ko lang, this too shall pass. At pag nangyari iyon, mas handa at matatag na siguro ako.

No comments:
Post a Comment